Hindi pa man nagsisimula ang aktuwal na kompetisyon ay agrabyado na agad ang Team Pilipinas matapos na posibleng hindi makasali ang isa sa inaasahang makakapag-ambag ng gintong medalya sa BMX na si Fil-Am Sienna Finnes dahil sa binagong age-limit sa mga kalahok sa cycling event ng 29th Southeast Asian Games.
Napag-alaman mismo sa Integrated Cycling Federation of the Philippine (PhilCycling) na nagpadala ang Malaysia Southeast Asian Games Committee (MASOC) ng direktiba na itinataas nito ang age limit para sa mga kalahok sa BMX event sa edad na 19-anyos pataas.
Dahil sa nasabing direktiba ay agad na hindi makakasali ang kalahok ng Pilipinas na si Finnes, na world rank No.18 sa BMX event at inaasahang makakapagbigay ng dagdag na gintong medalya sa bansa.
Samantala’y magbabalik kampanya rin ang magkapatid na sina Asian Games gold medalist Daniel Patrick at SEA Games veteran Christopher Caluag para sa delegasyon ng Philippine Cycling Team para sa 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-31, 2017.
Muling inirekomenda ng Philcycling ang naging 2014 Incheon Kore gold medalist na si Daniel Caluag kasama sina 2015 Singapore SEA Games Individual Time Trial champion Marella Salamat at multi-titlist John Mark Lexer Galedo upang pamunuan ang koponan sa iba’t-ibang cycling event.
Sinabi ni National coach Cesar Lobramonte na pamumunuan ni Salamat ang tatlo kataong women’s road team habang ang international campaigner na si Galedo, George Oconer , Jerry Aquino. Jr. at anim pang siklista ang siyang mga papadyak para sa men’s road squad.
Nagpasabi rin ng pagsali ang 2012 London Olympian na si Caluag at ang kapatid na Christopher kasama si Asian Junior Championships champion Shienna Fines ng kahandaan para muling irepresenta ang Philcycling sa Malaysia Games 2017.
Matatandaan na matapos na magwagi ng gintong medalya at makuha ang P1-milyong insentibo ay biglang iniwanan ni Caluag ang pambansang koponan upang manatili sa Amerika at magpokus sa kanyang trabaho bilang isang registered nurse.
(Angie Oredo)