Irving, na-injury sa panalo ng Cavs sa Celtics; Westbrook napatalsik.

CLEVELAND (AP) — Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 32 puntos, kabilang ang krusyal na layup bago na-injury sa kanang hita, habang kumubra si Kevin Love ng 30 puntos sa 124-118 panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Boston Celtics nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Tangan ng Cavs ang 20 puntos na bentahe sa third period, ngunit nagawa itong tapyasin ng Celtics sa isang puntos sa tatlong pagkakataon sa huling dalawang minuto.

Muli, nagsilbing bayani si Irving, nang maisalpak ang layup para mapanatili ang bentahe ng Cavs sa huling 53 segundo, ngunit hindi na nito natapos ang laro dahil sa pananakit ng hita. Hindi naman malubha ang naturang injury.

Tatay ni Caloy, ‘ginatasan’ daw ng anak: ‘Kinuha niya semilya ko, ginanyan na kami!’

Nagtumpok si LeBron James ng 23 puntos at 11 assist sa Cavs, nagwagi sa ika-11 sa huling 13 laro. Natamo nila ang dalawang kabiguan sa naturang stretch laban sa Memphis at Detroit — kapwa hindi pinaglaro si James.

Nanguna sa Boston si Isaiah Thomas sa natipang 31 puntos, habang kumana si Avery Bradley ng 23 puntos.

GRIZZLIES 114, THUNDER 80

Sa Memphis, Tenn., ratsada si Marc Gasol sa natipang 25 puntos para sandigan ang dominanteng panalo ng Memphis kontra sa Oklahoma City.

Napatalsik sa laro si Russell Westbrook, nangungunang scorer sa NBA tangan ang averaged 31.7 puntos, nang patawan ng dalawang technical foul matapos makipagtalo sa referee. Tangan ng Grizzlies ang 37 puntos na bentahe nang maganap ang ejection ni Westbrook. Tumapos siya na may 21 puntos, may apat na rebound at bokya sa assist.

Nag-ambag si Zach Randolph sa Grizzlies sa naiskor na 21 puntos at walong rebound.

SUNS 99, RAPTORS 91

Sa Phoenix, ginapi ng Suns, sa pangunguna nina Eric Bledsoe na may 22 puntos at Devin Booker na kumana ng 19 puntos, ang Toronto Raptors.

Natamo ng Raptors, ikalawang koponan sa Eastern Conference, ang ikalawang sunod na kabiguan, matapos mabigo sa Golden State Warriors.

Naghabol ang Raptors sa 14 puntos, 90-85, mula sa layup ni DeMar DeRozan may 3:25 sa laro sa fourth quarter. Kumamada sina DeRozan at Kyle Lowry na may tig-24 puntos.