AUBURN HILLS, Michigan (AP) – Sinamantala ng Detroit Pistons ang pagkawala ni LeBron James para durugin ang Cleveland Cavaliers, 106-90, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Hataw si Tobias Harris mula sa bench sa naiskor na 21 puntos para sandigan ang Pistons, umarangkada mula simula para tuldukan ang five-game losing skid at angkinin ang ika-15 panalo sa 33 laro.

Naitala ni Andre Drummond ang double-double -- 11 puntos at 17 rebound – habang kumubra si Caldwell-Pope ng 18 puntos.

Naputol naman ang game winning streak ng Cavaliers sa lima matapos ipahinga si James na sumabak sa loob ng 40 minuto sa laro ng Cavs kontra Golden State Warriors sa araw ng Pasko.

PVL, ibinalandra eligibility rules sa foreign players; Alohi Hardy, ekis ngayong conference

Nanguna sa Cavs si Kyrie Irving na may 18 puntos at walong assist, habang kumubra si Kevin Love ng 17 puntos at 14 rebound para sa ikapitong kabiguan ng defending champion sa 30 laro.

NETS 120, HORNETS 118

Sa Barclays Center, naisalpak ni Randy Foye ang buzzer-beating triple para makumpleto ng Brooklyn ang huling arangkada sa paghahabol laban sa Charlotte Hornets.

Naghabol ng pitong puntos sa fourth quarter ang Brooklyn bago nagpakawala ng 12-2 run para agawin ang bentahe sa 104-100. Naitabla ng Hornets ang iskor sa 111-all mula sa four-point play ni Nic Batum kasunod ang lay-up ni Cody Zeller may dalawang minuto sa laro.

Muling umarya ang Nets sa 117-113 mula sa magkasunod na three-pointer nina Bojan Bogdanovic at Sean Kilpatrick, ngunit nagawang maagaw ng Hornets ang bentahe sa 118-117 mula sa putback ni Zeller may dalawang segundo ang nalalabi sa laro.

Mula sa baseline, naipasa ni Bogdanovic ang bola kay Foye na agad namang tumira bago ang buzzer para sa winning shot.

BULLS 90, PACERS 85

Sa Chicago, naisalba ng Bulls ang matikas na pakikihamok ng Indiana Pacers para makopo ang ika-15 panalo sa 31 laro.

Nanguna si Dwyane Wade sa naiskor na 21 puntos para tuldukan ang three-game losing skid ng Chicago, habang kumana si Nicolai Mirotic ng 20 puntos at tumipa si Jimmy Butler ng 16 puntos.

Nalimitahan si Pacers star Paul George sa 14 puntos para makamit ang ika-17 kabiguan sa 32 laro.

Sa iba pang laro, ginapi ng New Orleans, sa pangunguna ni Anthony Davis na kumana ng 28 puntos at 16 rebound, ang Dallas Mavericks; pinakulimlim ng Houston Rockets ang Phoenix Suns, 131-115; habang sinopresa ng Denver Nuggets ang Los Angeles Clippers, 106-102.