NGAYON ay Pasko. Ang pagsapit ng dakilang kapistahang ito na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano at gumugunita sa pagsilang ng Anak ng Diyos na ipinangakong tutubos sala ng sangkatauhan ay kagabi pa inihudyat ng matunog na repeke at kalembang ng mga kampana sa mga Simbahan sa mga bayan, lungsod at barangay sa mga lalawigan. At sa masayang pag-awit ng “Gloria in Excelsis Deo” o “Luwalhati/Papuri sa Diyos sa Kaitaasan” sa idinaos na Misa de Aguinaldo bilang pasasalamat sa pagsilang ng Dakilang Manunubos. “Christus Natus est nobis, Venite Adoremus”. Si Kristo’y isinilang para sa atin, Halikayo, Siya’y ating sambahin.

Ganito ang paglalarawan ni San Lucas sa pagsilang ng Dakilang Mananakop. Isinilang si Hesus na isang maralita sa materyal na sukatan, ngunit mayaman sa kaligayahan. Ipinanganak siya sa sabsaban dahil wala nang lugar para sa kanya ang mga bahay panuluyan. Inilagay siya sa sabsaban dahil walang duyan para sa Kanya. Dumating Siya na walang anumang kapangyarihan at hindi alam ninuman, ngunit siya ay unang tinanggap at nakilala ng mga pastol na nakarinig ng masayang balita galing sa mga anghel tungkol sa Kanyang pagsilang. “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan at kapayapaan sa lupa sa mga taong may mabuting kalooban.” Ang awit at papuring ito ng mga anghel ay naging isang dasal na nagmumula sa puso ng mga tao na patuloy at bukas-loob na tumatanggap sa kapanganakan ng Anak ng Diyos sa loob ng maraming taon.

Sa pagsapit ng Pasko, ang mga pangamba at iba pang problemang kinasasangkutan ng tao at ng daigdig ay pansamantalang “nililimot” at ang pag-ibig at pagpapatawaran sa kapwa na mensahe at diwa ng unang Pasko sa Bethlehem ang binibigyang-pansin at pinaghahari sa puso ng bawat tao. Pinatitingkad pa ang pag-ibig na ito sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigayan upang makapagdulot ng lugod at kasiyahan.

Naging tampok na tanawin kagabi sa mga tahanan, matapos ang Misa de Aguinaldo, ang pagsasalu-salo ng mag-anak o pamilya sa inihandang Noche Buena na maituturing na isang natatanging paghahanda ng mga pagkain sa loob ng isang taon. Maginhawa o mahirap man ang buhay, ang tradisyong ito na pagsasama-sama ng pamilya ay idinaraos, hindi nalilimot at nagagawan ng paraan upang maging katuparan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Kaugnay naman ng pagdiriwang ng Pasko at bilang tradisyong PILIPINO, tanawin ngayon sa mga bayan at lalawigan ang langkay-langkay ng mga batang babae at lalake na matapos magsimba suot ang kanilang bagong damit at sapatos ay patungo sa kanilang mga ninong, ninang at iba pang mga kamag-anak. Magmamano o hahalik sa kamay at hihingi ng kanilang mga aginaldo. Karaniwang ibinibigay at natatanggap na pamasko ay mga bago at malulutong na perang papel.

Sa mga kababayan naman natin o magkakapatid na nagkaroon ng tampuhan at pag-aalitan na sa maraming araw at panahon ay may hinanakit at sama ng loob, ang Pasko ay mabisang balsamo at panlunas na pumapawi ng kitor at nagtutulak sa muling pagkakasundo at pag-uunawaan.

Ang Pasko ay isang walang hanggang mensahe ng kapayapaan sa daigdig at kabutihan para sa lahat ng tao. Maligayang Pasko sa inyo, Venus, Jet, Ellaine, Dindo at sa lahat ng mambabasa ng BALITA. (Clemen Bautista)