Magbabalik kampanya ang magkapatid na sina Asian Games gold medalist Daniel Patrick at SEA Games veteran Christopher Caluag para sa delegasyon ng Philippine Cycling Team para sa 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-31, 2017.

Ito ay matapos na irekomenda ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling) ang naging 2014 Incheon Asian Games gold medalist na si Daniel Patrick Caluag kasama sina 2015 Singapore SEA Games Individual Time Trial champion Marella Salamat at multi-titlist John Mark Lexer Galedo upang pamunuan ang koponan.

Sinabi ni National coach Cesar Lobramonte na pamumunuan ni Salamat ang tatlo kataong women’s road team habang ang international campaigner na si Galedo, George Oconer , Jerry Aquino. Jr. at anim pang siklista ang siyang mga papadyak para sa men’s squad.

Nagpasabi din ng pagsali ang 2012 London Olympian na si Caluag at ang kapatid na Christopher kasama si Asian Junior Championships champion Shienna Fines ng kahandaan para muling irepresenta ang Philcycling sa Malaysia Games 2017.

Basketbolistang lumabag sa 'anti-drug program' ng NBA, suspendido ng 25 games, lugi rin ng ₱690M!

Matatandaan na matapos na magwagi ng gintong medalya at makuha ang P1-milyong insentibo ay biglang iniwanan ni Caluag ang pambansang koponan upang manatili sa Amerika at magkonsentra sa kanyang trabaho bilang isang registered nurse.

Idinagdag ni Lobramonte na balak ng bansa na magpasok ng entries ng 10 siklista sa men’s road race na ang apat ay sasabak sa team time trial at anim sa road massed start habang apat naman sa women’s side kung saan dalawa ang sisikad sa criterium, dalawa sa road at apat sa BMX na tigalawang lalaki at babae.

Nakataya din ang kabuuang 13 gintong medalya para sa track cycling na may 10 silya.

Makakasama ni Lobramonte sa coaching staff sina Norberto Oconer at Carlo Jazul. (Angie Oredo)