Patay ang dalawang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis matapos umanong holdapin ang isang babae sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Kinilala naman ang biktima na si Zaira Aspera y Carreon, nasa hustong gulang, ng Aurora Cabrera, Pasay City.

Sa ulat na natanggap ni Las Piñas City Police chief Sr. Supt. Jemar Modequillo, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa Alabang-Zapote Road, Barangay Talon Dos ng naturang lungsod.

National

Honeylet naiyak sa ginawa kay FPRRD: 'Kinidnap n'yo siya, wala kaming laban!'

Nag-aabang umano ng masasakyan si Aspera, kasama ang kaibigan niyang si Joy Musa Bansao, nang sumulpot ang dalawang lalaki at tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng holdap.

Sapilitan umanong inagaw ng mga suspek ang bag ni Aspera na naglalaman ng P1,200 cash, make up kit at ibang personal na gamit.

Matapos ang insidente, agad tumakas ang mga suspek at humingi naman ng tulong ang magkaibigan sa isang gasolinahan na tumawag sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5.

Agad hinabol ng mga pulis ang hindi pa nakakalayong mga suspek subalit sa halip na sumuko, bumunot pa ang mga ito ng baril at pinaputukan ang awtoridad dahilan upang mapilitang magpaputok ang mga pulis.

Ilang sandali ang lumipas ay duguang bumulagta ang dalawang suspek.

Bukod sa bag ni Awspera, narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang kalibre .38 baril na walang serial number at isang pakete ng hinihinalang shabu. (Bella Gamotea)