Hindi na magigising pa sa pagkakatulog ang isang lalaki na umano’y miyembro ng gang matapos na barilin ng ‘di pa nakikilalang suspek habang nahihimbing sa loob ng isang pedicab sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Tondo Medical Center si Mark Anthony Magat, nasa hustong gulang, umano’y miyembro ng “Commando” gang, at residente ng J. P. Rizal Street, Velasquez, Tondo, Maynila.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:00 ng madaling araw ay himbing na himbing ang biktima sa isang pedicab na nakaparada sa J. P. Rizal St., nang biglang barilin ng suspek.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)