Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na umano’y nagpapakilalang police asset na ang modus-operandi ay manghingi ng pera sa mga taong kabilang sa drug watch list ng pulisya, matapos madakip sa entrapment operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Mga kasong extortion at usurpation of authority ang isinampa laban kay Christian Pio, alyas “Daga”, 29, habang pinaghahanap pa ang kasama niyang nakilala lamang sa alyas na “Jason”.
Ayon kay “Robert”, dating gumagamit ng ilegal na droga, nilapitan siya ng suspek at nagpakilalang police asset at kakilala daw nito ang mga pumapatay sa drug personalities.
Sinabihan umano siya ni Pio na kabilang siya sa listahan mga papatayin at kinumbinsi umano siya na tutulungang maialis ang kanyang pangalan kapalit ng P10,000.
Dahil dito, nagbigay umano si Robert ng P1,000 sa suspek at ang balanseng P9,000 ay ihahabol na lamang sa susunod na araw.
Sa pamamagitan ng mga kaibigan, humingi ng tulong si Robert sa Criminal Investigation and Detection Group- Anti-Organized Crime Division (CIDG-AOCD).
Pagsapit ng 2:00 ng hapon, ikinasa ang entrapment operation sa Barangay 126, Caloocan City at dinamba si Pio matapos iabot ni Robert ang P9,000. (Orly L. Barcala)