Naglabas ng pahayag si Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa magiging ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ngayong Lunes, Hulyo 27.
Sa Facebook post ni Hontiveros nito ring Lunes, sinabi niyang hindi lang umano ulat ang hinihintay ng mga Pilipino mula sa Pangulo.
“Ang hinihintay ng ating kababayan mula Malakanyang ngayong 2026 SONA ay hindi lang ulat, kundi resibo - patunay sa ginagawa at gagawin pa ng gobyerno para iahon sa hirap ang pamilyang Pilipino,” anang senadora.
Ayon kay Hontiveros, ang gustong marinig daw ng milyon-milyong Pilipino ay kung paano agarang aaksyunan ang nagtataasang gastos sa kuryente, tubig, petrolyo, at pagkain; kung paano palalakihin ang take-home pay ng bawat trabahador.
Kasama rin umano sa mga inaasahang talakayin ni Marcos, Jr. ay kung paano nito wawakasan ang joblessness crisis at kung paano tuluyang mawawala ang korupsiyon sa gobyerno.
Kaya hiling ni Hontiveros, “Sana marinig natin ang mga iyan, hindi lang sa SONA ng Pangulo, kundi sa mga susunod na anunsyo mula sa Malakanyang.”
“Dahil ang tunay na resibo ng isang SONA ay hindi lang pangako, kundi mga solusyong nagpapagaan sa buhay ng bawat Pilipino,” dugtong pa niya.
Matatandaang tumatak noong nakaraang SONA ni Marcos, Jr. ang katagang “mahiya naman kayo” bilang pagtuligsa sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'