TANDISANG sinabi ni Jose Maria Sison (Joma), founding chairman ng Communist Party of the Philippines, na hindi sila magpapakamatay para kay President Rodrigo Roa Duterte sakaling isulong ng mga “Dilawan” na patalsikin ito sa puwesto o ikudeta ng militar. Gayunman, binigyang-diin ni Joma, na ngayon ay naninirahan sa Utrecht, The Netherlands, na bagamat “We won’t die for Duterte”, ang kilusang komunista ay maaaring makipagkasundo sa Du30 administration basta’t sinsero ito sa pagsusulong ng mga reporma para sa bayan.
Sa panig ng mga miyembro ng progressive bloc sa Kamara, inulit nila ang kanilang “collaborative support” para kay Du30, pero nanindigang hindi handa para magpakamatay (to die for) sa pangulo. May hinala kasi si Mano Digong na plano ng mga dilawan (kaalyado raw ni PNoy) na siya ay itumba sa puwesto dahil hindi nila matanggap ang pagkatalo sa nakaraang eleksiyon. Naniniwala siyang papatayin ng mga komunista ang mga dilaw kapag ipinursige ang pagpapatalsik sa kanya.
“We are not ready to die for the President. Handa kaming ialay ang buhay para sa mga inaapi at pinagsasamantalahan,” pahayag ng makakaliwang si Alliance of Concerned Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, tagapangulo ng House committee on information.
Inihayag ni Joma na posible ang alyansa sa gobyerno upang labanan ang mga oportunista, rightist bloc at grupong dilawan na nagbabalak na palayasin si RRD sa Malacañang. Pero dapat daw ilatag ng pangulo ang pundasyon ng gayong alyansa sa grupong komunista, na ang tuon ay para sa kabutihan at kagalingan ng naghihirap na masang Pilipino.
Nilinaw ng CPP founder na hindi puwedeng kasama nila ang gobyerno sa pakikipaglaban kung mismong ang militar ang lumalabag sa ceasefire, at may 400 political prisoners ang ayaw palayain. “Papaanong lalaban kami sa mga grupong nais siyang patalsikin gayong masidhi ang militar sa operasyon sa mga komunidad na may deklaradong tigil-putukan?” pahayag ni Joma.
Samantala, gumaganti na ang US laban sa Pilipinas sa pagkadismaya sa “rule of law and civil liberties” sa ilalim ng liderato ni Mano Digong. Sinuspinde ng US-led Millenium Challenge Corp (MCC) ang funding grant o tulong sa ating bansa subalit pinagkalooban ng grant ang Burkina Faso, Sri Lanka at Tunisia sa unang pagkakataon.
Noong 2011, nagkaloob ang MCC sa Pilipinas ng $434 million para gamitin sa tatlong proyekto na magpapalakas sa koleksiyon ng revenue, maiangat ang sitwasyon at buhay ng mga taong nasa pobreng komunidad, at magpagawa ng mga pambansang lansangan. Sabi nga ni FVR, sayang ang tulong ng US sa ‘Pinas sapagkat puwede namang makipagkaibigan si Pres. Du30 sa China, Russia at sa iba pang mga bansa nang hindi makikipagkagalit sa US.
Noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo, dinefer na rin ng US-MCC ang pagkakaloob ng pondo... o grant dahil sa mga alegasyon ng kurapsiyon sa kanyang administrasyon. Anyway, bago nagwakas ang MCC grant sa ‘Pinas nitong Mayo, 2016, nakatakdang bigyan uli ng bagong grant ang bansa para sa pagpapalakas ng agrikultura at competitiveness. Pero dahil sa makukulay na pananalita ni Pres. Rody, o pagmumura sa mga dayuhang bansa at institusyon gaya ng US, UN, at EU, dinefer o itinigil muna ang pagbibigay ng panibagong grant o tulong. (Bert de Guzman)