PINATOS ni GM Mark Paragua ang nakatapat na si WGM Lei Tingjie ng China sa 56 sulong ng Slav Defense upang manatiling buhay ang kampanya sa titulo matapos ang ikawalo at krusyal na round nitong Sabado sa Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge sa Subic Bay Peninsular Hotel.

Nataktikahan ni Paragua ang mapanganib na si Lei, tumapos na ikatlo sa unang torneo ilang araw ang nakalipas, sa endgame matapos ipundar ang positional advantage sa opening move upang agawin ang panalo na nagtulak sa US-based Pinoy chesser sa apat katao na ikatlong puwesto na may 5.5 puntos bawat isa.

Kasalo ni Paragua ang second seed na si GM Anton Demchenko ng Russia, 4th seed GM Levan Pantsulaia ng Georgia at ang No. 7 GM na si Merab Gagunashvili.

Tinalo ni Demchenko ang No. 8 na si GM Kirill Stuopak ng Belarus sa 46 sulong ng French opening habang nagwagi si Pantsulaia kontra FIDE Master Roel Ablegas sa matinding 21 sulong ng Reti Opening. Tabla naman si Gagunashvili kay No. 6 GM Vladislav Kovalev sa loob ng 11 sulong ng Ruy Lopez.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

May pagkakataon ang 32-anyos na si Paragua na magtangka sa korona sa ikasiyam at huling round sa pagsagupa nito sa top seed na si GM Wang Hao ng China, na tinalo si No. 5 GM Mikheil Mchedlishvilito sa 33 sulong ng Sicilian.

Sakaling magtabla ay makakasiguro si Paragua na tumapos sa 10.

Samantala, nakipaghatian lamang ng puntos si IM Jan Emmanuel Garcia kontra IM Abhirmanyu ng India upang makisalo sa malaking grupo ng woodpushers sa loob ng ika-10 puwesto na may 4.5 puntos.

Sa Challenger section, tiinalo ni FM Austin Jacob Literatus ang nakaharap na si Vince Angelo Medina sa 42 sulong ng Alekhine upang siguruhin ang pagsungkit sa korona kahit may isang round pa na natitira.

Sinelyuhan ni Literatus ang torneo sa kanyang kabuuang 7.5 puntos, na may abanteng 1.5 puntos sa kanyang mga kalaban. (Angie Oredo)