Nanindigan si Sen. Robin Padilla kaugnay sa pagkakaiba raw ng kaso ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kinaharap na kaso ni dating senador at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima.
Matatandaang Pebrero 2017 nang makulong si De Lima sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at makalabas noong Nobyembre 13, 2023, nang payagan siyang makapagpiyansa ng Muntinlupa Regional Trial Court, at tuluyang mapawalang-sala noong Hunyo 24, 2024.
Samantala, noong Mayo 11, 2026, opisyal na naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa bilang coperpetrator umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naganap na madugong giyera kontra droga noong nakaraang administrasyon.
KAUGNAY NA BALITA: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Sa naging pahayag naman ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Hunyo 2, sinabi niyang magkaiba raw ang sitwasyon nina De Lima at De Rosa dahil may koneksyon umano ang una sa mga drug lord at may koneksyon naman sa pagtugis sa mga drug lord ang ginawa ng huli.
“The case of Senator Bato differs from that of De Lima. One was allegedly connected to drug lords, and the other is allegedly connected to neutralizing drug lords,” ani Padilla.
Screenshot mula sa FB post ni Padilla.
Samantala, habang sinusulat ito, nananatili pa ring hindi namamataan ng mga awtoridad at ng publiko ang presensya ni Dela Rosa magmula nang makatakas at makaalis siya ng Senado bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14, 2026.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sumakay si Dela Rosa sa isang Fortuner na puti na pagmamay-ari ni Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang humarang sa amin!' Sen. Robin, mariing tinangging tinakas niya si Sen. Bato