Kumuda si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga tungkol sa pagsuko ni Senador Jinggoy Estrada sa awtoridad at pananatili nito sa Senate majority bloc, kasunod ng arrest warrant na ibinaba ng 5th Division ng Sandiganbayan noong Lunes, Hunyo 1.
Ang naturang arrest warrant ay para sa non-bailable plunder case ni Estrada kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Sa kaniyang presscon noon ding Lunes—ilang minuto bago siya sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inihayag niya ang desisyon niyang manatili sa Senate majority bloc, kapalit umano ng iniaalok sa kaniya ng minorya.
“Maraming beses po akong inalok na talikuran ang independent majority bloc, kapalit ng pagbabasura sa aking kaso. Ngunit, hindi ko po ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko, na ako'y manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” ani Estrada.
Paliwanag pa niya, “I stand my ground, ngayon kung tatanungin n'yo kung sino sila, abangan ninyo ang susunod na kabanata.”
MAKI-BALITA:‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso
Sa isang Facebook post, sinabi ni Barzaga na nagpakita ng katapangan kagaya ng mga bayani ng Pilipinas.
"Senator Jinggoy Estrada stood with his allies even in the face of imprisonment, he showed bravery comparable to our Philippine Heroes!" anang kongresista.
Sa kasalukuyan, nakapiit na si Estrada sa New Quezon City Jail Male sa Payatas, Quezon City, kung saan din nakadetine si dating Senador Bong Revilla.