Blazers, naapula ng Warriors; 50th career triple-double kay Westbrook.

OAKLAND, California (AP) – Maagang nanalasa ang Golden State Warriors at hindi na pinaporma ang Portland Trail Blazer tungo sa dominanteng 135-90 panalo nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Hataw si Kevin Durant sa natipang 34 puntos mula sa 11-of-13 shooting para sandigan ang Warriors sa ikaapat na sunod na panalo.

Kumubra si Ian Clark ng 23 puntos mula sa bench, habang kumana si Stephen Curry ng 19 puntos para sa ika-24 panalo sa 28 laro ng Golden State. Natamo ng Blazers ang ikalawang sunod na kabiguan at ika-16 sa 19 na laro.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Nag-ambag si Klay Thompson ng 16 puntos, habang umiskor si JaVale McGee ng 11 puntos. Sunod na lalabanan ng Warriors ang Utah Jazz.

Nanguna sa Portland si Damain Lillard na may 20 puntos, habang kumana si Maurice Harkless ng 17 puntos.

CAVS 119, LAKERS 108

Sa Cleveland, ratsada ang ‘Big Three’ ng Cavaliers para gapiin ang Los Angeles Lakers at maagang makabawi mula sa kabiguan sa Memphis.

Nagsalansan si Kevin Love ng 27 puntos, tumipa si LeBron James ng 26, habang kumana si Kyrie Irving ng 21 puntos para sa ika-19 na panalo sa 25 laro ng Cavaliers.

THUNDER 114, SUNS 101

Sa Oklahoma City, naitala ni Russel Westbrook ang career-high 22 assist sa naiposteng ika-13 triple double ngayong season para gabayan ang Thunder kontra Phoenix Suns.

Nailista ni Westbrook ang 26 puntos at 11 rebound para sa ika-50 career triple double. Natuldukan ng Oklahoma City ang two-game skid para sa ika-16 na panalo sa 27 laro.

Nag-ambag si Steven Adams ng 19 puntos, habang tumipa si Enes Kanter ng 12 puntos mula sa bench para sa Thunder.

Kumana ng tig 11 puntos sina Andre Roberson at Anthony Morrow.

ROCKETS 111, WOLVES 109 OT

Sa Minnesota, nahila ng Houston Rockets ang winning streak sa 10 sa impresibong come-from-behind overtime win kontra Timberwolves.

Kinapos lang ng isang rebound si James Harden para sa triple-double sa nagawang 28 puntos, kabilang ang 10 sa OT, 13 assist at siyam na rebound.

Kumawala si Ryan Anderson sa natipang 29 puntos para sa ika-21 panalo sa 28 laro ng Rockets, habang umiskor si Eric Gordon ng 20 puntos.

Nabalewala ang impresibong 21 puntos at 15 rebound si Karl Anthony Towns para sa Wolves.

NUGGETS 127, KNICKS 114

Sa New York, naunsiyami ang home crowd sa paninilat ng Denver Nuggets sa Knicks.

Hataw si Kenneth Faried sa naiskor na 25 puntos, habang kumubra si Emmanuel Mudiay ng 22 puntos at nag-ambag si Gary Harris ng 16 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Denver at ika-11 sa 27 laro.

Hindi nakalaro si Knicks star Derrick Rose dahil sa injury, habang magisang binalikat ni Carmelo Anthony ang New York sa naiskor na 22 puntos.