NANGGULAT sina International Master Oliver Dimakiling at papaangat na si Hamed Nouri sa kapwa pagtatala ng upset na panalo para agawin ang atensiyon ng mga prominenteng kalahok at makisalo sa liderato sa pagsisimula ng 2016 Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge nitong Martes sa Subic Bay Peninsular Hotel.
Nakatuon ang atensiyon ni Dimakiling, sa pagsungkit sa ikatlo at huling norm para makamit ang Grandmaster title, sapat para maungusan ang No.3 seed na si GM Boris Savchenko ng Russia sa ika-45 sulong ng London System.
Ginulat naman ni Nouri, pambato ng Negros Occidental, ang nakatapat na No. 6 GM na si Vladislav Kovalev ng Belarus sa 44 sulong ng Bishop’s Opening upang pamunuan ang torneo.
Sina Dimakiling, isang Olympiad veteran, at Nouri, nagbabalik sa paglalaro matapos magdesisyon na mag-focus sa pagsasanay sa kanyang anak na si FIDE Master Alekhine, ay agad na nakasalo sa malaking grupo sa liderato na kinabibilangan din nina GM Mark Paragua, Eugene Torre, Joey Antonio at Darwin Laylo.
Binigo ni Paragua, nagbakasyon sa nakalipas na buwan sa United States, si Woman IM Sarvinoz Kurbonoeva ng Uzbekistan sa ika-37 sulong ng Gruenfeld Exchange Variation sa torneo na suportado ng Philippine Sports Commission, Burlington, Marc Adventures Mining Inc. at Puregold.
Ang maaalamat na si Torre, sariwa pa rin sa kanyang pagsungkit sa ikatlong tansong medalya sa Olympiad, ay tinalo si Roel Abelgas sa 46 sulong ng Sarratt Attack.
Binigo naman ni Antonio ang isa pang taga-Negros Occidental na si Rolando Andador sa 40 sulong ng French Defense habang ang pambato ng Marikina City na si Laylo ay namayani sa kababayan na si WIM Jan Jodilyn Fronda sa 57 moves ng Torre Attack.
Nakipagtabla lamang sina IM Jan Emmanuel Garcia at Paulo Bersamina kontra sa top two seed na GM na sina Wang Hao ng China at Anton Demchenko ng Russia sa 45 moves ng English Opening at 90 moves ng Ruy Lopez. (Angie Oredo)