INFANTA, Pangasinan – Ilang araw makaraang paulit-ulit na nanawagan ng rescue mula sa Philippine Coast Guard (PCG) na hindi kailanman sumaklolo, natagpuan ang bangkay ng dalawa sa pitong mangingisda na ilang araw nang nawawala matapos pumalaot mula sa Barangay Cato sa bayang ito.
Sa panayam kahapon ng Balita, emosyonal na sinabi ni Charlito Maniago, chairman ng Bgy. Cato, na tanging dalawang maliliit na bangka ang naghila sa bangkay nina Christopher Monje at Jan Jan Amor para maiuwi sa kanilang lugar.
“Inaasahang gabi pa sila makarating kung walang makuhang rescue boat, at ordinaryong bangka lang ang gamit ngayon ng mga tao ko,” sinabi ni Maniago sa Balita kahapon ng umaga.
Dakong 11:00 ng gabi nitong Sabado nang natagpuan ang bangkay ng dalawa may 90 milya ang layo sa Bolinao, at naiuwi na sa Infanta bandang 12:30 ng tanghali kahapon, ayon kay Maniago.
Hindi pa rin natatagpuan ang limang kasamahan nina Monje at Amor, kaya naman muling nanawagan si Maniago ng tulong mula sa PCG upang matagpuan ang iba pang mga mangingisda.
Sinabi ni Maniago na Nobyembre 28 nang pumalaot ang pitong mangingisda sa payao, sa West Philippine Sea, sakay sa MB John Paul, ngunit bigong makauwi nitong Disyembre 2.
“Limang araw na ako humihingi ng tulong para hanapin ang mga mangingisda, pero wala akong nakuhang tulong para i-rescue ang mga mangingisda,” sabi ni Maniago. “Tinawagan ko ang Coast Guard, pero tatlong araw hanggang limang araw, walang response na makakukuha ng rescue boat. Ang dahilan, mismong headquarters po daw wala pang response.”
(Liezle Basa Iñigo)