May 25, 2026

Home BALITA Metro

DSWD, magbibigay ng ₱15k ayuda sa pamilya ng nasawing babae sa payout

DSWD, magbibigay ng ₱15k ayuda sa pamilya ng nasawing babae sa payout
Photo courtesy: DSWD (FB)

Nakikiramay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa naulilang pamilya ng 53-taong gulang babaeng nasawi habang papunta siya sa payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa Quezon City kamakailan.

“Lubos na nakikiramay ang buong pamunuan ng DSWD sa pamilya at mga naulila ng kliyenteng pumanaw habang papunta sa AICS payout activity sa Quezon City Hall nitong nakaraang Huwebes,” saad ni DSWD Asec. at spokesperson Irene Dumlao sa kanilang pahayag noong Sabado, Mayo 23. 

Upang masuportahan din ang agarang pangangailangan ng pamilya ng nasawing AICS client, nagpaabot ng ₱15,000 cash assistance ang DSWD sa mga ito. 

“Agad na nakipag-ugnayan ang DSWD NCR sa pamilya ng nasawi upang magbigay ng kinakailangang suporta, kabilang ang financial assistance na ₱15,000 para makatulong sa kanilang pagdadalamhati at agarang pangangailangan,” ani Dumlao. 

Para naman maiwasan ang pag-ulit ng mga kaparehang insidente, binanggit ni Edwin Morata, na direktor ng Crisis Intervention Program (CIP) ng DSWD, na hindi kinakailangan ng mga benepisyaryo na magtungo sa payout sites ng sobrang aga dahil mayroon naman daw sapat na bilang ng social workers dito upang mapabalis ang proseso ng payout. 

Metro

Caritas PH, tinawag na 'ecological violence' pagpuputol ng puno sa Quirino Avenue

“Lagi pong sinasabi ni Secretary Rex Gatchalian na you don’t need to go as early as 4:00 a.m., 5:00 a.m., kasi marami naman pong social worker ang available para po mapabilis po ang proseso ng pagbibigay natin during payout period,” ani Morata.

Aniya pa, mayroon ding iba pang mekanismo ang DSWD upang matiyak ang maayos at komportableng pagkuha ng payout benefits. 

“We processed na po a scheduling system na naglalagay na po kami kung anong oras [mga kliyente] darating…we arrange the foot traffic para makapag-accomodate ng larger number ng kliyente. Pinabibilisan din namin ang assessment particularly pagdating sa outright cash,” saad ni Morata. 

Bukod dito mayroon na rin daw social workers na nasa site upang mag-review ng mga dokumento ng kanilang mga benepisyaryo bago ang nakatakdang interview. 

Upang hindi na rin byumahe o magtungo pa sa DSWD offices ang kanilang mga kliyente, binanggit ni Morata na nakipag-ugnayan sa local government units (LGUs). 

“Nag-open po tayo ng tinatawag natin na off-site. Ito po ay sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan na kung saan rather than bringing their people, going to our office. Nagpapatulong tayo sa kanila na i-organize ang payout nila in their localities at pupunta na lang po ang DSWD para po maging paymaster to give assistance at ma-assess pa yung mga kliyente,” ani Morata. 

Batay naman sa pahayag ng Quezon City LGU noong Huwebes, Mayo 21, nauntog ang pumanaw na babae at nawalan ng malay sa kalagitnaan ng pagpila nito sa AICS payout, sa ilalim ng tanggapan ni Coun. Vito Sotto. 

Bilang tulong, nagpaabot na rin sila ng burial assistance sa pamilya ng nasawi, kasabay ang paglakad sa bunsong anak nito upang maging bahagi ng scholarship program sa siyudad. 

MAKI-BALITA: 53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout