Hindi na maaaring makapasok muli sa bansa ang tinaguriang casino tycoon na si Jack Lam.

Ito ay makaraang kumpirmahin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na blacklisted na si Lam sa gobyerno dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na operasyon ng online casino sa Clark Field, Pampanga.

“Blacklisted na siya, nangangahulugan na hindi siya papayagang makabalik sa Pilipinas,” paliwanag ni Aguirre.

Sinabi ni Aguirre na ang Fontana Casino ni Lam ay walang permit mula sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), taliwas sa sinabi ng abogado nitong si Atty. Raymond Fortun.

Veteran journalist, pinatay sa loob ng bahay habang nanonood ng TV

Dagdag pa ni Aguirre, aarestuhin agad si Lam kapag bumalik ito sa bansa, alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.

Matatandaang may lookout bulletin na inilabas ang Department of Justice (DoJ) laban kay Lam, at kinansela na rin ang kanyang investor’s visa.

Una nang sinabi ng kalihim na may paraan pa para makalusot si Lam: Magbayad ito ng buwis na itataas sa 10% sa halip na one percent lang, at kailangan ding mag-apply ng bagong lisensiya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation. (Beth Camia)