Pinalaya ng Abu Sayyaf ang isang babaeng negosyante makaraang magbayad ng ransom money tatlong buwan matapos itong dukutin sa Lanao del Norte, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Clarita Belisario, may-ari ng gasolinahan, na dinukot nitong Setyembre 11, 2016.
Ayon sa Lanao Del Norte Police Provincial Office(LNPPO), pinalaya si Belisario dakong 5:45 ng umaga malapit sa Mercy Hospital sa Barangay Camagui, Iligan City.
Sinamahan umano ang biktima ng isang hindi kilalang babae, isang Maranao, matapos pakawalan ng mga bandido.
Ayon sa pulisya, napalaya si Belisario sa pamamagitan ni Atty. Jam Dimaporo, ng National Bureau of Investigation (NBI)-Lanao del Norte, at nina Manai Mayor Casan Maquiling at Linamon Sangguniang Bayan Member Renato Pestolante.
Dumanas umano ng trauma ang biktima sa kamay ng Abu Sayyaf.
Sinasabing nagbayad ang pamilya ni Belisario ng P750,000 para mapakawalan ito. (Fer Taboy)