LINGAYEN, Pangasinan - Nagsusumamo sa pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pamilya ng pitong mangingisda na magsagawa ng agarang search at rescue operation upang mailigtas ang kanilang mga mahal sa buhay na mahigit isang linggo nang nawawala matapos pumalaot.

Sa panayam kahapon kay Charlito Maniago, chairman ng Barangay Cato sa Infanta, sinabi niyang labis na nag-aalala ang mga pamilya ng pitong mangingisda na hindi pa rin nakababalik makaraang pumalaot nitong Nobyembre 28.

Kinilala ang mga mangingisda na sina Pedro Amor, kapitan ng bangka; Christopher Monje; Alfredo Bautista; Jomar Gamboa; Jun-Jun Amor; Leonardo Nical; at isang Gerry.

Patungong South China Sea ang mga mangingisda sakay sa fishing boat na John Paul para mangisda sa payao (artificial reef) na nasa 100 nautical miles mula sa Bgy. Cato, Infanta.

Probinsya

7-anyos na batang babae, ginahasa at itinapon sa balon

Tatlong araw nang humihingi ng saklolo si Maniago sa PCG subalit hanggang ngayon ay hindi pa nakararating ang bangkang gagamitin ng coast guard mula sa headquarters kaya napilitan ang maliliit na bangka na magtungo sa lugar upang hanapin ang mga nawawalang mangingisda.

Tumulong naman ang pamahalaang bayan sa pagbibigay ng 900 litro ng diesel para sa tatlong bangkang magre-rescue sa mga mangingisda. (LIEZLE BASA IÑIGO)