Hindi madaling kalimutan ang matagal nang nakasanayan higit at bumilang na ito ng mahabang taon.
Ganito ang naramdaman ni PBA top rookie pick Mac Belo ng Blackwater Elite nang makaharap niya at makatunggali ang dating head coach sa pinagmulang Far Eastern University na si Nash Racela na ngayo’y head coach na ng Talk ‘N Text.
Pagkaraang magkasama sa loob ng halos limang taon sa UAAP, inamin ni Belo na talagang kakaiba ang kanyang naramdaman nang makaharap si Racela.
“Siyempre nasanay akong magkakampi kami. Ang tagal ko syang naging coach mula FEU hanggang Gilas kaya alam na alam ni coach ang laro at galaw ko,” pahayag ni Belo.
Inamin ni Belo na madalas siyang napapatingin kay Racela at naghihintay na bigyan siya ng instruction sa loob ng court bago biglang matitigilan at maiisip na magkaiba na sila ng team.
“Pag napapatingin ako sa kanya, hinihintay ko yung sasabihin niya kung anong dapat kong gawin tapos bigla kong maiisip na magkalaban na nga pala kami ngayon,” aniya.
Nakakapanibago ayon kay Belo ngunit makakasanayan din aniya ang lahat ng ito.
Katunayan, sa kabila ng konting kalituhan, muling nanguna si Belo sa natamong unang panalo (92-99) kontra sa Tropang Texters sa itinala niyang 21 puntos at siyam na rebound.
Nakuha rin nya ang papuri ng dating mentor pagkatapos ng laban.
“He did a good job out there.Ang ganda ng nilaro niya at alam ko marami pa syang maipapakita,” ayon kay Racela.
(Marivic Awitan)