Sa kanyang paglutang sa Senado, idiniin ni Kerwin Espinosa si Senator Leila de Lima at ilang police official sa drug payola.
Sa pagdinig ng Senate committees on public order and dangerous drugs at justice and human rights, sinabi ni Kerwin na binigyan niya ng P8 milyon si De Lima bago mag-eleksyon noong Mayo, sa pamamagitan ng drayber ng huli na si Ronnie Dayan.
Dalawang beses umanong nag-abot ng pera si Kerwin kay Dayan sa Maynila, at isang beses sa Burnham Park sa Baguio City.
Si Kerwin ay ipinakilala umano ni Dayan kay De Lima bilang ‘Batman’ noong nasa Baguio City sila, kung saan may picture taking pang naganap.
Kinontak ni Dayan
Sinabi ni Kerwin na kinontak siya ni Dayan at humingi ng tulong dahil nangangailangan ng campaign funds si De Lima.
Humingi pa ng opinyon si Kerwin sa umano’y mga drug lords na sina Peter Co at Jeffrey ‘Jaguar’ Diaz.
Sinabi umano ng dalawa na safe makipag-ugnayan kay De Lima.
“Okay pale wala ‘yang problema basta tago mo lang pinag-usapan n’yo,” payo umano ni Co kay Kerwin.
Samantala si Albuera Police Chief Jovie Espenido umano ang nag-tip kay Kerwin hinggil sa alok na proteksyon ni Dayan.
Police off’ls idinawit
Sa kanya namang pangangalakal ng droga, sinabi ni Kerwin na nagbibigay siya ng SOP o drug payola sa mga opisyal ng pulis sa Region 8.
Nagsusuplay din umano siya ng pambentang shabu sa mga pulis, at kung wala naman siyang kalakal, umaangkat siya ng shabu sa mga pulis.
Sinabi ni Kerwin na kapag siya ang nagsusuplay ng shabu sa pulis, kadalasan ay hindi siya binabayaran ng tama, samantala kung siya naman ang umaangkat ay kailangan niyang magbayad ng buo.
Hinggil sa drug payola, tinukoy ni Kerwin na binibigyan niya ng pera si Chief Insp. Leo Laraga, namuno sa pagsilbi sa search warrant kay Mayor Rolando Espinosa na ikinasawi ng alkalde sa loob ng piitan ng Baybay City, Leyte kamakailan.
Isinalaysay ni Kerwin na si Laraga ang kumukuha ng SOP ni retired Police General Vicente Loot.
Nasa P120,000 weekly ang kaniyang ibinibigay para kina Laraga at Loot.
Binanggit din ni Kerwin sina Chief Insp. Wilfredo Abordo at Dennies Torepe.
Sinabi ni Kerwin na binigyan din niya ng P25,000 ang isang Col. Macanas na dating city director ng Ormoc City.
Inihayag din ni Kerwin na noong 2015, binigyan niya ng SOP ang dating regional director ng Police Regional Office-8 (PRO-8) na isang C/Supt. Dolina.
Isang Victor Espina na siyang tinaguriang bagman ni Dolina ang kumausap umano kay Kerwin para bigyan ng SOP si Dolina.
Ayon kay Kerwin, P500,000 ang SOP ni Dolina pero hindi nakayanan kaya tumawad siya na gawing P300,000.00.
Maging si Superintendent Marvin Marcos na kasama rin sa raid sa Baybay jail na kinamatayan ng matandang Espinosa, ay humingi umano ng pera kay Kerwin.
Sa pamamagitan ng isang Major Abordo, P3 milyon umano ang hinihingi ni Marcos na bumaba hanggang P1.5 milyon.
“Noong nag-usap kami ay sinabi niya na magtulungan kami. Sa huli ay nagderetsuhan kami na kailangan niya ang tulong ko dahil iyong asawa niya at tumatakbo bilang Vice Mayor ng Pastrana at kulang siya ng funding o pera. Sabi niya ay kailangan daw ng 3 milyon pesos kasi 2.5 milyon pesos pa lang ang makakaya ko at nagkasundo naman kami,” ani Kerwin.
Ang pahayag ni Kerwin ay mahigpit na pinabulaanan ni Marcos at ni Albuera Police Chief Espenido.
Gomez, iba pa inabswelto
Inabswelto naman ni Kerwin si Ormoc City Mayor Richard Gomez at ibang mga pulitiko na nauna nang nakalagay sa affidavit ng kanyang ama.
Sinabi ni Kerwin na peke ang affidavit ng kanyang ama.
“Wala talagang alam iyan, si Richard Gomez, malinis na mga tao iyan,” ayon kay Kerwin.
Itinanggi rin ni Kerwin na nakatransaksyon niya sina Leyte Rep. Ching Veloso, Leyte Gov. Dominic Petilla, Vice Governor Carlo Loreto, at ilan pang mga lokal na opisyal sa lalawigan.
(Hannah L. Torregoza, Leonel M. Abasola, at Fer Taboy)