LA Lakers, naunsiyami ang ‘showtime’ sa Chicago.

LOS ANGELES (AP) – Wala si Dwyane Wade. Walang dapat ipagamba ang mga tagahanga ng Bulls.

Sa pangunguna ni Jimmy Butler na kumana ng season-high 40 puntos, inilampaso ng Chicago Bulls ang batang koponan ng Lakers, 118-110, sa harap ng home crowd sa Staples Center nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nagawa ng Bulls ang matikas na panalo, sa kabila nang hindi paglalaro ni Wade bunsod ng iniindang sakit sa paa.

Tatay ni Caloy, ‘ginatasan’ daw ng anak: ‘Kinuha niya semilya ko, ginanyan na kami!’

Dikdikan ang laban mula sa simula, ngunit nagawang makaabante ng Bulls sa 13 puntos, 113-110, may tatlong minuto ang nalalabi sa laro matapos ang magkakasunod na puntos nina Ish Canaan, Nikola Mirotic at Taj Gibson.

Naisalpak nina D’Angelo Russell at Nick Young ang three-pointer para sa 110-115 at may pagkakataong maidikit pa ang iskor mula sa turnover ng Bulls, subalit sumablay ang three-pointer ni Russell. Umiskor si Rajon Rondo mula sa assist ni Butler para maselyuhan ang panalo ng Bulls.

Naitala ni Canaan ang season-high 17 puntos mula sa bench bilang kapalit ni Wade, habang kumubra ng tig-15 puntos at pinagsamang 22 rebound sina Gibson at Mirotic.

Nanguna sina Lou Williams at Larry Nance Jr., ng 25 at 18 puntos para sa Lakers, ayon sa pagkakasunod.

KINGS 102, RAPTORS 99

Sa harap ng nagbubunying home crowd, natuldukan ng Sacramento Kings ang four-game skid sa pahirapang panalo kontra sa matikas na Toronto Raptors.

Nakumpleto ni Darren Collison ang three-point play sa krusyal na sandali para basagin ang huling pagtabla tungo sa ikalimang panalo sa 14 na laro ng Kings.

Nanguna si Rudy Gay sa Kings sa naiskor na 23 puntos, habang kumubra si DeMarcus Cousins ng 19 puntos at nagsalansan si Collison ng 15 puntos.

Nabalewala ang natipang 25 puntos ni Kyle Lowry sa Raptors na nagtamo ng ikalawang sunod na kabiguan, habang nalimitahan si DeMar DeRozan, may averaged 30 puntos, sa 3-for-15 shooting para sa 12 puntos.

NUGGETS 105, JAZZ 91

Sa Pepsi Center, dinomina ng Denver Nuggets ang Utah Jazz.

Tinapos ng Nuggets ang first period sa 11-3 run tungo sa impresibong panalo.

Nanguna sa Denver sina Jamal Murray at Wilson Chandler na kumana ng 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang tumipa si Jusuf Nurkic ng double-double – 16 puntos at 11 puntos.

Nanatili sa injured list ng Jazz sina starter Derrick Favors at George Hill. Pinagbidahan ni Gordon Hayward ang Utah (7-8) sa naiskor na 25 puntos.

PACERS 115, THUNDER 111 (OT)

Sa Oklahoma City, pinatahimik ng Indiana Pacers, sa pangunguna ni Jeff Teague sa naiskor na 30 puntos, ang Thunder sa overtime.

Nagsalansan si Thaddeus Young ng 20 puntos, habang tumipa si Glenn Robinson ng 16, kabilang ang apat sa extra minute, para sa unang panalo sa anim na road game ng Pacers.

Nagawang magwagi ng Indiana sa kabila nang hindi paglalaro ni star Paul George na nagtamo ng injury sa paa.

Sa iba pang laro, ginapi ng New York Knicks, sa pangunguna ni Carmelo Anthony na tumipa ng 31 puntos, ang Atlanta Hawks.