Posibleng umanong may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pamamaril ng riding-in-tandem sa isang lalaki na umano’y tulak at holdaper sa Parañaque City, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Parañaque City Police chief Sr. Supt. Jose Carumba ang biktima na si Ronald Pagsisihan, nasa hustong gulang, ng Taiwan Street, Pagsisihan Compound, Barangay Don Bosco ng nasabing lungsod.
Blangko pa ang awtoridad sa pagkakakilanlan ng dalawang armadong suspek na sakay sa isang motorsiklong walang plaka.
Sa ulat ng pulisya, dakong 11:20 ng gabi nangyari ang insidente sa Doña Soledad Avenue Extension, Bgy. Don Bosco ng nasabing lungsod.
Nakatambay ang biktima sa lugar nang sumulpot ang dalawang armadong lalaki at pinagtulungang paputukan si Pagsisihan.
Isinugod pa umano ang biktima sa Parañaque Doctors Hospital subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas.
(Bella Gamotea)