Balewala ang pagkampi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga elemento ng Region 8 ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at hindi umano ito makakaapekto sa pagdinig ng Senado sa pagkamatay nina Albuera Mayor Rolando Espinosa at Raul Yap sa loob ng sub-provincial jail sa Baybay, Leyte.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, sa pahayag ni Duterte ay malinaw na hindi pa nito alam ang puno’t dulo ng imbestigasyon dahil malinaw din na tugma ang kanilang imbestigasyon sa inisyal na pagsisiyasat naman na ginagawa ng Philippine National Police (PNP).
“Hindi naman makakaapekto ‘yan sa isinasagawang pagdinig. At kung gagawa kami ng committee report, walang epekto ‘yan. Obviously ‘di pa fully briefed si Pangulong Duterte sa mga initial findings, ‘di lang ng Senado pero pati ng PNP na nag-iimbestiga. Kasi nagtutugma ang initial findings ng Senado at ng PNP mismo,” ani Lacson.
Aniya halos lahat ng nakapanood sa imbestigasyon ay duda sa mga paliwanag ng CIDG-Region 8, kaya’t pwede rin na anumang oras ay maaaring magbago ang pahayag ng Pangulo na nakagawian niya.
Sinabi pa ni Lacson na hindi naman niya pinapansin ang mga pahayag ni Duterte at ang inaabangan niya ay ang mga tagapagsalita nito na nagbibigay linaw sa mga naunang pahayag.
“Kung nag-iisa lamang si Pangulong Duterte na mag-i-insist pa rin in spite of a full report rendered by the PNP at public notice na rin ang nangyari sa Senado, kasi maraming nakasaksi doon, at titigasan niya pa rin walang kasalanan ang mga pulis, baka nag-iisa na lang siyang nagsabi ng ganoon,” ani Lacson.
Inilarawan ni Lacson na planado ang ginawang pagtawag sa mga operatiba ng Scene of the Crime Operations (SOCO) bago pa man makapasok ang mga operatiba ng CIDG sa bilanguan.
Sinabi pa nito na ang plano talaga ay si Espinosa habang si Yap ay collateral damage lang para hindi nakatuon ang atensyon kay Espinosa. (Leonel M. Abasola)