Hindi isasailalim sa imbestigasyon si Senator Manny Pacquiao kaugnay ng umano’y “all expenses paid trip” nito kay Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa laban nito kay Jessie Vargas sa Las Vegas kamakailan.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, hindi pa liable si Pacquiao sa naturang usapin dahil kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan si Dela Rosa upang madetermina kung may nilabag o pananagutan ito sa kasong kriminal at administratibo.
Aniya, ang mga ebidensyang makakalap ng anti-graft agency ay gagamitin nila laban kay Dela Rosa.
Nauna nang inamin ni Dela Rosa sa national television na “binayaran lahat ni Pacquiao ang pamasahe at hotel accommodation” niya, bukod pa umano sa allowance na bigay ng boksingerong senador.
Idinahilan din ni Dela Rosa na “wala namang masama sa paglibre sa kanya ni Pacquiao dahil wala naman umanong nagamit na pondo ng bayan sa usapin.” (Rommel P. Tabbad)