Inihayag kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpadala ito ng dalawang barko sa Bajo de Masinloc, o Scarborough Shoal, sa Zambales upang maigiiit ang presensiya ng bansa sa lugar.

Sinabi ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo na nagpadala sila ng dalawang barko mula sa Maynila at Subic upang magpatrulya sa pinag-aagawang lugar. Gayunman, hindi niya tinukoy kung aling barko ang iistasyon sa lugar, gayundin ang detalye sa ruta ng mga ito.

Aniya, pangunahing misyon ng dalawang barko na panatilihin ang presensiya ng gobyerno sa lugar at ang alamin ang kalagayan ng mga Pilipinong nangingisda roon.

Dagdag pa ni Balilo, magpapatrulya sa lugar ang dalawang barko sa loob ng tatlo hanggang apat na araw bago halinhan ng iba pang mga barko ng ahensiya.

Tio Moreno, nagpasaring kay Nicolas Torre III

Sinabi pa niya na limang barko ang itinalaga upang magpatrulya sa Bajo de Masinloc, ang BRP Tubbataha, BRP Davao del Norte at tatlong iba pang monitoring control and surveillance (MCS) ship. Nagsisilbing back up naman ang BRP Pampanga.

Paliwanag ni Balilo, tatlong linggong walang presensiya ng PCG sa lugar dahil sa magkasunod na pananalasa ng bagyong ‘Karen’ at ‘Lawin’. Ipinatigil din ng ahensiya ang pagpapatrulya sa lugar sa buong state visit ni Pangulong Duterte sa China. (Argyll Cyrus B. Geducos)