Limang katao, kabilang ang isang babae, ang pinagbabaril hanggang sa mapatay makaraang pasukin sa bahay na pinaniniwalaang isang drug den sa Mandaluyong City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga napaslang na sina Manuel Evangelista, Jennifer Discarga, John Paolo Toboro, Edmar Velarde at Catalno Algueles.
Ayon sa mga saksi, dakong 9:00 ng gabi nang mangyari ang insidente makaraang sumalakay ang anim na armadong lalaki na nakasuot ng maskara at itim na jacket sa bahay sa Block 37, Lot 1 Barangay Addition Hills, at pinagbabaril ang mga biktima.
Ang bahay ay pag-aari ni Roger Evangelista, kapatid ng isa sa mga napatay.
Sinabi naman ni Cecilia Discarga, ina ni Jennifer, sa mga mamamahayag na bagamat dating gumagamit ng droga ang kanyang anak at desidido na itong magbagong-buhay at sinabi pa nito sa kanya: “’Nay, nakaupo na si (Pangulong) Duterte, ‘di na ko magsa-shabu.”
Dagdag pa ni Aling Cecilia, nasa bahay ni Evangelista ang kanyang anak dahil interesado itong bilhin ang bahagi ng nasabing bahay, kaya naman may bitbit si Jennifer na P200,000 cash.
Napaulat na nawawala ang nasabing pera matapos patayin ang mga biktima.
Kuwento naman ng mga residente sa lugar, nasa loob din ng bahay ang dalawang menor de edad na anak ni Evangelista nang mangyari ang insidente, at ang dalawang bata umano ang nagsabing nagpa-pot session ang mga biktima nang pasukin sila at pagbabarilin ng mga suspek.
Nakasamsam ang mga pulis ng droga at ilang drug paraphernalia sa crime scene. (MADELYNNE DOMINGUEZ)