Seselyuhan ng Philippine Sports Commission (PSC) at kapareha nitong Tagum City at Province of Davao Del Norte ang pagsasagawa sa 2016 Philippine National Youth Games (PNYG) - Batang Pinoy National Championships sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2.

Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na nakatakdang pirmahan nina Davao Del Norte Governor Anthony Del Rosario at Tagum City Mayor Allan Rellon ang memorandum of agreement matapos lamang ang Araw ng mga Kaluluwa upang maselyuhan na ang implementasyon sa pagho-host nito sa torneo.

“The Batang Pinoy National Finals is already set to be held in Tagum City, province of Davao Del Norte although we still have to sign the memorandum of agreement with the host to finalized other things such as on security, on safety of the athletes and the conduct of the games,” sabi ni Domingo.

Isa pa din na paghahandaan ay ang pagnanais mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na manguna at magbukas sa isang linggong torneo bilang panauhing pandangal sa pangunahing grassroots sports development program ng bansa para sa mga batang edad-17 pababa.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Ito ang ikalawang pagkakataon na ang Tagum City at probinsiya ang Davao Del Norte ay magho-host sa ikalawang pinakamalaki na sports event sa bansa matapos na mag-host ng Palarong Pambansa noong 2014.

Kabuuang 28 sports ang isasagawa kung saan tanging ang gymnastics lamang ang hiwalay na gagawin sa Maynila.

Ang PNYG-Batang Pinoy ang pinagkukunan naman ng mga batang atleta na ipinapadala ng bansa sa kada apat na taon na Children of Asia International Sports Festival na ginaganap sa Russia at gayundin sa kada apat na taong Asian Youth Games na qualifying tournament para sa Youth Olympic Games. (Angie Oredo)