Init na init na ba ang lahat?
Sa lahat ng mga kaganapan, isyu, at pasabog na nagaganap sa buong bansa sa kasalukuyan, tila wala nang magagawa ang lahat kung hindi isiping ito na yata ang nakatadhanang mangyari.
Ngunit sa dami ng mga ganap, sumasabay pa ang init na panahon na siyang literal na nagpapainit sa ulo ng mga Pilipino sa araw-araw.
Kamakailan lamang, pumalo pa nga sa 48°C ang naitalang temperatura sa Borongan, Eastern Samar, batay sa datos na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
MAKI-BALITA: ‘Sumasabay pa!’ 48°C, naitala sa Borongan, Eastern Samar-Balita
Isabay pa ang banta ng umano’y Super El Niño na posibleng tumama sa bansa sa mga susunod na buwan.
MAKI-BALITA: Malalakas na bagyong dulot ng habagat, Super El Niño posible sa Hunyo hanggang Agosto!—PAGASA-Balita
Kaugnay nito, isa na yata sa pinaka-kinatatakutang maging epekto ng mga nabanggit ay ang banta ng heat stroke sa mga tao at hayop.
Ano nga ba ang heat stroke?
Ayon sa pakahulugang ibinahagi ng National Library of Medicine - National Center for Biotechnology Information, ang heat stroke ay isang “life-threatening injury” na kinakailangan ng neurocritical care.
Batay naman sa Rizal Medical Center (RMC) - Department of Health (DOH), ito ay isang medikal na kondisyon kung saan umaabot sa “very high level” ang temperatura ng isang tao dahil sa pagkababad nito sa initan.
Kung hindi mabibigyang-lunas, maaari nitong maapektuhan ang iba’t ibang mga bahagi ng katawan gaya ng utak, puso, at bato.
Madalas din daw na ang tinatamaan nito ay ang mga edad 50 pataas—ngunit hindi pa rin ligtas ang ilan sa banta nito.
Gaano ba kalaki ng tsansa ng isang biktima na mabuhay kung tamaan ito ng heat stroke?
Base sa impormasyong inilatag ng World Health Organization (WHO), ang mortality rate sa heat-related cases gaya ng heat stroke ay aabot sa 85%, sa pagitan ng mga taong 2000-2004 at 2017-2021.
Anila pa, 489,000 katao ang namamatay sa naturang kaso, kung saan 45% ay mula sa Asya.
Kung kaya’t paalala ng DOH, delikado ang heat stroke—at bantayan ang ilang mga sintomas nito gaya ng pagkahilo, lagnat, pagduduwal, pamumula ng balat, at pagkawala ng malay.
Sabi nga sa tanyag na kasabihan, ang kalusugan at kayamanan—kung kaya’t nararapat lamang na ito ay bantayan at pakaingatan.