Nagulantang ang mga netizen sa balitang dinakip ng mga awtoridad noong Biyernes ng gabi, Mayo 29, si Tony Meloto, ang nagtatag ng Gawad Kalinga, matapos siyang dakpin ng mga awtoridad sa isang bukirin sa Barangay Encanto, Angat, Bulacan.
Batay sa ulat ng Bulacan Police Provincial Office, isinilbi ng mga operatiba ang warrant of arrest laban kay Meloto na inilabas ng Regional Trial Court sa Malolos City, Bulacan noong Mayo 29.
Nakasaad din sa kautusan ng korte na walang inirekomendang piyansa para sa kaso o "non-bailable."
Nahaharap si Meloto sa dalawang bilang ng qualified trafficking sa ilalim ng Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.
Nag-ugat ang kaso sa mga reklamong inihain ng dalawang dating benepisyaryo ng mga programa ng Gawad Kalinga na nagsabing nakaranas sila ng umano'y pang-aabusong sekswal noong 2017 habang sila ay mga iskolar pa ng organisasyon.
Pinuri naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pulisya matapos ang pagdakip sa suspek.
"“Hindi natin palalampasin ang anumang uri ng human trafficking dahil buhay, dignidad, at kinabukasan ng tao ang nakataya rito. Patuloy ang ating pagtutok sa mga kasong tulad nito habang sinisiguro rin natin na bawat operasyon ng PNP ay isinasagawa nang may respeto sa karapatang pantao at naaayon sa batas,” aniya.
Noong Setyembre 2025, iniutos ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Meloto matapos nitong makakita ng probable cause sa mga alegasyon.
Sa inilabas na resolusyon ng DOJ, sinabi ng piskalya na ang mga ikinakasong gawain ni Meloto ay pasok umano sa depinisyon ng sex trafficking at may kasamang abuse of authority dahil sa kaniyang posisyon noon bilang founder ng GK at pinuno ng School for Experiential and Entrepreneurial Development program.
Ayon pa sa piskalya, ginamit umano ang relasyon ng kapangyarihan at impluwensiya sa mga complainant na nasa ilalim ng pangangalaga ng programa upang maisagawa ang sinasabing pagsasamantala.
Lumabas din sa resolusyon na isa sa mga nagreklamo laban sa kaniya ay nag-akusa na nakaranas umano ng pang-aabuso sa loob ng GK Enchanted Farm sa Angat, Bulacan, habang ang isa naman ay nagsabing may katulad na insidenteng nangyari sa isang biyahe sa Lyon, France kaugnay ng isang speaking engagement ng organisasyon.
Gayunman, mariing itinanggi ni Meloto at ng mga testigong nakasaad sa kaniyang counter-affidavit ang lahat ng alegasyon. Inilarawan nila ang mga paratang bilang walang basehan, hindi totoo, at may masamang layunin.
ANO NGA BA ANG GAWAD KALINGA?
Ang Gawad Kalinga ay isang kilalang non-governmental organization (NGO) sa Pilipinasna itinatag noong 2003 at nakilala sa mga programang nakatuon sa paglaban sa kahirapan at pagpapanumbalik ng dignidad ng mga mahihirap na komunidad.
Nakatutok din ito sa pagtatayo ng mga tahanan at pagpapaunlad ng komunidad para sa mga mahihirap sa pamamagitan ng bolunterismo at bayanihan.
Nagsimula ang Gawad Kalinga bilang isang ministry ng Couples for Christ noong dekada '90 at kalaunan ay naging isang malayang foundation program.
Matatandaang ginawaran pa si Meloto ng prestihiyosong Ramon Magsaysay Award noong 2006 bilang pagkilala sa kaniyang mga naging kontribusyon sa community development at social transformation sa bansa. Katumbas ang nabanggit na parangal sa "Nobel Peace Prize."
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Meloto habang inihahanda ang mga susunod na hakbang kaugnay ng kinahaharap niyang mga kaso.