Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy na inoobserbahan ang isang pedicab driver matapos umanong pagtulungang gulpihin ng tatlong miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Unang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Rafael Romero, 58, ng 1150 Esmeralda Street, Tondo, Manila ngunit kalaunan ay inilipat din sa ibang ospital dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo.
Itinuturong responsable sa pambubugbog sa biktima sina Ricardo Tolentiono, 65; Gerry Olaivar, 40; at isa pang lalaki, na pawang miyembro ng MTPB.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)- Station 2, nangyari ang insidente dakong 11:00 ng umaga, sa tapat ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, matapos ang clearing operation ng mga tauhan ng MTPB sa lugar.
Lumilitaw na papaalis na ang grupo ng MTPB nang magkasalubong sa kalsada si Tolentino, sakay sa motorsiklo, at ang biktima, sakay naman sa kanyang pedicab.
Ikinagalit umano ni Tolentino ang pagkakaharang sa kanya ng biktima hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo at bigla umanong lumapit si Olaivar at sinuntok sa mukha ang biktima.
Dito na umano pinagtulungang bugbugin ng mga suspek ang biktima. (MARY ANN SANTIAGO)