ISA sa mga araw na ito ay pipirma na ng kontrata si Arci Muñoz sa Star Magic bilang bago nitong talent management agency dahil hindi na siya nag-renew sa Viva at kay Ms. Annabelle Rama.
Nagulat ang ilang taong nakausap namin na alam ang naging takbo ng karera ni Arci noong nasa GMA-7 pa lang siya at inabot ng limang taon pero hindi naging malaking artista.
Nakilala nang husto si Arci nang mapunta sa Viva at kinuha siya ng ABS-CBN para sa Pasion de Amor at saka lang namukadkad ang career ng dalaga lalo na nang pagkatiwalaan siya ng Star Cinema sa pelikulang Your Always Be My Maybe kasama si Gerald Anderson.
Box-office hit din ang follow-up movie niyang Camp Sawi sa Viva Films habang umaariba naman sa ratings game ang seryeng Magpahanggang Wakas na umeere ngayon sa ABS-CBN kasama si Jericho Rosales.
Kaya ang usapan ng mga taong nakakaalam ng pag-arangkada ng career ni Arci, “Bakit ang artista, kapag sumikat na, iniiwan na ang mga taong nakatulong sa kanila?”
Wala kaming masasabi sa isyung ito, dahil maging kami ay ganito rin ang punto. Bakit kailangang talikuran ang mga taong unang nakatulong noong hindi ka pa kilala?
Pero sa kabilang banda, baka naman may balidong dahilan si Arci kaya siya magpapalit ng talent management at siguro naman maayos silang nag-usap ng Viva.
Samantala, how true, isa pang Viva Talent ang hindi na rin nag-renew ng kontrata niya at as of press time ay may ibang kinakausap na talent manager si Bela Padilla?
Wala pang malinaw kung nagkaayos na si Bela at ang talent manager na kausap niya kaya hindi pa namin masulat.
Ang isa pang tsikahan na narinig namin, “Bakit si Sarah (Geronimo), hindi lumilipat ng manager? Kasi marunong siyang tumanaw ng utang na loob?”
May sumagot na hindi namin papangalanan, “Kasi 20 years ang kontrata niya sa Viva!”
Huh? Totoo kaya ito, Bossing DMB?
(Ang alam ko, 10-year contract ‘yung una, baka nag-renew for another ten years. --DMB) (REGGEE BONOAN)