INILAHAD sa bagong pag-aaral na masama ang epekto ng matinding pag-eehersisyo habang mataas ang emosyon ng isang tao.
Sa pag-aaral, naiugnay ang pagwo-work out habang galit o dismayado sa lubhang mapanganib na atake sa puso sa loob lamang ng isang oras.
Sinuri rin ng mga researcher ang pag-eehersisyo at emotional stress ng mga indibiduwal, para makita ang bawat factor na nakaaapekto sa panganib ng atake sa puso. Nadiskubre nila na ang bawat factor ay doble ang maidudulot na panganib sa tao para magkaroon ng atake sa puso sa loob ng isang oras, ayon sa pag-aaral na inilathala sa journal na Circulation.
Bagamat maraming benepisyo ang regular na pag-eehersisyo, kabilang ang pag-iwas sa sakit sa puso, inihayag ng mga researcher na “(we) would recommend that a person who is angry or upset (and) who wants to exercise to blow off steam not go beyond their normal routine” at huwag mag-ehersisyo sa extreme levels, saad sa isang pahayag ni Dr. Andrew Smyth, researcher sa HRB Clinical Research Facility sa Ireland at ang lead author sa pag-aaral.
Sa pag-aaral, tiningnan ng mga researcher ang datos ng 12,500 pasyente mula sa 52 bansa na mayroong isang heart attack. Lahat ng pasyente ay kalahok sa INTERHEART study, na sumusuri ng mga risk factor ng atake sa puso.
Sa INTERHEART study, sumagot ng mga katanungan ang mga kalahok tungkol sa kanilang mga aktibidad sa mga oras na humantong ng atake sa puso, kabilang kung sila ba ay nagkaroon ng matinding pisikal na aktibidad o sila ay dismayado o nagalit. Tinanong din ng mga researcher ang mga pasyente kung nagkaroon sila ng parehong mga aktibidad o naging emotional noong panahon bago sila atakehin sa puso.
Nakakaapekto ang pisikal na aktibidad at emosyon sa katawan ng tao na maaaring makapagpataas ng panganib ng tao na atakihin sa puso, saad ng mga researcher.
“Both can raise blood pressure and heart rate, changing the flow of blood through blood vessels and reducing blood supply to the heart,” ani Smyth.
“If a person already has blood vessels that are narrowed by plaque, this could be particularly risky,” dagdag nito.
(Live Science)