Sugatan ang isang tricycle driver makaraang barilin ng lalaking kanyang nakatalo habang namamasada sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang biktimang si Gerald Palacio, binata, ng Benita Street, Tondo, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa likod, na tumagos sa kanyang braso, habang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na kinilala lamang sa alyas na Alfred Apeng.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong 10:42 ng gabi, namamasada ang biktima at naghatid ng pasahero sa riles na sakop ng Barangay 200, Zone 18, sa Tondo.
Pagbaba umano ng pasahero ay nagkita ang biktima at suspek at nagkaroon ng pagtatalo sa hindi pa mabatid na dahilan, hanggang sa magbunot ng baril ang suspek at binaril ang walang kalaban-laban na biktima bago mabilis na tumakas. (Mary Ann Santiago)