Naisalba ng defending champion National University ang matikas na pakikihamok ng Adamson University Lady Falcons para maitarak ang 79-61 panalo at panatilihin ang malinis na karta sa 10 laro nitong Martes sa UAAP 79 Women’s Basketball Tournament.

Dikit ang iskor sa unang tatlong period, bago rumatsada ang Lady Bulldogs sa naiskor na 31 puntos sa final period para masiguro ang playoff berth sa semifinal.

Nahila rin ng Lady Bulldogs ang winning streak sa 42. Hindi pa natatalo ang lady Bulldogs mula noong 2014.

Hataw sina Gemma Miranda sa naiskor na 22 puntos at 11 rebound, habang kumubra sina Jack Daniel Animam ng 17 puntos at 25 rebound at Afril Bernardino ng 12 puntos at 12 rebound para sa Lady Bulldogs.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nanguna naman si Snow Penaranda sa naiskor na 18 puntos para sandigan ang De La Salle University sa 72-69 panalo kontra University of Sto. Tomas. Nasa ikalawang puwesto ang Lady Achers na may 8-1 karta.

Ginapi naman ng University of the East, sa pangunguna nina Love Sto. Domingo at Nicole Mendina na kumubra ng tig-26 puntos, ang Far Eastern University, 49-44.

Naungusan naman ng Ateneo, ginabayan ni Hazelle Yam na may 10 puntos, ang University of the Philippines, 47-44.

Magkasosyo ang Lady Eagles at Lady Falcons sa 4-6 na marka para buhayin ang kampanya sa Final Four.

Laglag ang Tigresses sa 3-6, habang nakabuntot ang Lady Tamaraws at Lady Maroons sa 2-7 at 1-9 karta, ayon sa pagkakasunod.