Isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot sa Sipadan, Malaysia ang napatay ng militar matapos niya umanong magtangkang makatakas at mang-agaw ng baril ilang minuto makaraang siyang maaresto sa Tawi-Tawi.

Kinilala ni Army Major Filemon I. Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), ang nadakip na Abu Sayyaf member na si Ustab Anji.

Ayon kay Tan, naaresto si Anji makaraan isilbi ng pinagsanib na mga operatiba ng Marine Battalion Landing Team-9, 2nd Marine Brigade at Panglima Sugala Police, ang arrest warrant para sa kidnapping at 21 bilang ng serious illegal detention sa Barangay Magsagaw, Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Nakumpiska mula kay Anji ang isang .45 caliber pistol at isang granada.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Habang ibinibiyahe patungo sa himpilan ng Panglima-Sugala Municipal Police, tinangka umano ni Anji na agawan ng baril ang isa sa kanyang mga escort at sa gitna ng pagpapambuno ay binaril at napatay siya ng isa pa niyang escort.

Sangkot sa Sipadan hostage crisis noong 2000 at sa pagdukot kamakailan sa ilang Indonesian at Malaysian, may P350,000 patong sa ulo si Anji. (Francis T. Wakefield)