Isang computer shop owner ang namatay matapos tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap ng anak nito sa Malabon City, nitong Biyernes ng hapon.
Dead on the spot si Ryan Abigatero, 27, ng Barangay Potrero, dahil sa mga tama ng bala ng .45 caliber pistol sa ulo at katawan.
Ayon sa report, dakong 4:00 ng hapon at naglalakad pauwi si Abigatero kasama ang anak niyang pitong taong gulang na lalaki at ilang hakbang na lang ang layo sa kanilang bahay nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklong walang plate number.
Pinagbabaril ng mga salarin ang biktima, na napasubsob sa harap ng kanyang paslit na anak.
Ayon sa mga kaibigan ni Abigatero, wala silang alam na kagalit nito at hindi rin ito gumagamit ng droga kaya naman may hinala ang pamilya ng biktima na posibleng may kinalaman sa negosyo ang pagpatay. (Orly L. Barcala)