Natuldukan ng National University ang four-game winning run ng Ateneo sa impresibong 3-0 panalo kahapon para makalapit sa minimithing three-peat sa UAAP Season 79 men’s badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Center.

Naungusan ng tambalan nina Mike Minuluan at Alem Palmares ang karibal na sina Jan Mangubat at Hanz Bernardo, 17-21, 21-13, 21-18, sa unang double match.

Ginapi ni Keeyan Gabuelo si Mangubat, 21-10, 14-21, 21-17, sa unang single match, bago nakumpleto ni Leenard Pedrosa ang dominasyon kontra Bernardo, 21-19, 21-10, sa ikalawang single para hilahin ang winning run ng Bulldogs sa 26 match.

Nauna rito, naungusan ng University of the Philippines ang Ateneo, 3-2, sa Game 2 ng women’s best-of-three finals para maipuwersa ang do-or-die game.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Sinelyuhan ni Poca Alcala ang panalo ng Lady Maroons sa pahirapang 21-10, 21-14 panalo sa singles event kontra Trixie Malibiran.

Itinakda ang sudden death Game 3 bukas kung saan target ng State U ang three-peat, sa kabila ng kabiguang tapusin ang season na walang talo.

Nakopo ng Lady Eagles ang unang dalawang singles match kung saan tinalo ni Sam Ramos si Mary Ann Marañon, 21-11, 21-14, habang ginapi ni Bianca Carlos si Gelita Castilo, 21-15, 21-15.

Ngunit, nakabawi ang Lady Maroons sa doubles event nang magwagi ang tambalan nina Alcala at Jessie Francisco kontra Geva de Vera at Cassie Lim, 21-13, 21-13, habang nakahirit sina Castilo at Lea Inlayo kontra Carlos at Chanelle Lunod, 20-22, 21-16, 21-12.

Umaasa rin ang Bulldogs na matapos ang kampanya para sa ikaapat na titulo sa nakalipas na limang season bukas sa RMBC.