Hinikayat ng isang obispo ang Simbahang Katoliko na maglunsad na ng all-out war laban sa panukalang same-sex marriage, kung saan pwede umanong gamitin ang banal na misa, social media at Catholic educational institutions para sa pagpapakalat ng tamang impormasyon laban sa panukala.
Ayon kay Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani Jr., may kakayahan ang simbahan para magkaroon ng kaalaman ang mamamayan sa hindi magandang dulot ng same sex union, lalo na sa pamilyang Pilipino.
Aniya, may access ang lahat sa social media na maaari ring gamitin ng simbahan para sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa moralidad o ‘yung sinasaad ng batas ng estado at batas ng Panginoon hinggil sa pag-aasawa, na nagsasabing ang kasal ay para lamang sa isang babae at isang lalaki.
“Itong ginagawa ninyo, ‘yang developing awareness thru the mass media thru social media, napakalaki ng network natin for education gaya ng Catholic educational institutions, ‘yung mga Sunday masses sa mga parishes natin kung gagamitin nating mabuti, itong mga pamamaraang ito, magkakaroon ng awareness ang mga tao at makikita ang kamalian ng tunay na mali,” ani Bacani sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Kasabay ng mga pagpupursiging ito ang taimtim na panalangin, dagdag pa ni Bacani. (Mary Ann Santiago)