Arestado ang isang 26-anyos na stepfather matapos ireklamo ng panggagahasa sa 5-taong gulang niyang stepdaughter sa Sta. Cruz, Maynila, iniulat kahapon.
Sasampahan ng kasong rape in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law si Godfrey Calag, ng Street 30, Manila North Cemetery, Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nagtungo ang biktima sa presinto, kasama ang kanyang lola, upang ireklamo ang umano’y pangmomolestiya ng suspek.
Ayon sa lola ng biktima, ibinilin sa kanya ang biktima at dito na umano nagkuwento ang bata.
Upang makumpirma ang idinadaing ng apo, nagdesisyon umano ang matanda na ipasuri sa doktor ang kaselanan ng biktima hanggang sa tuluyang nakumpirma ang pang-aabuso.
Dito na inirekomenda ng doktor na i-report sa kinauukulan ang pangyayari upang mai-refer sila sa isang espesyalista para sa mga biktima ng pang-aabuso.
Kaagad namang nagtungo sa pulisya ang mag-lola upang magreklamo at tuluyang ipinakulong ang suspek.
(MARY ANN SANTIAGO)