Dalawang bangkay ng lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga ang natagpuan sa isang lumang babuyan sa compound ng New Bilibid Prison (NBP), sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga bangkay sa alyas na “Kalbo”, 25 hanggang 30 anyos; at si “Nonoy”, 30 hanggang 35 anyos, kapwa iginapos ang mga kamay at mga paa at tadtad ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson sa Muntinlupa City Police, dakong 6:25 ng umaga nadiskubre ng isang residente ang mga bangkay sa lumang piggery ng Agro Production Sec, NBP Bgy. Poblacion.
Lumitaw sa imbestigasyon na kilalang tulak ng ilegal na droga ang dalawang biktima sa Cuyab, San Pedro, Laguna.
Sila rin umano ang nagsu-supply ng ilegal na droga sa Duhat, Tunasan, Muntinlupa City.
Narekober sa pinangyarihan ang 13 basyo ng bala ng hindi tukoy na kalibre ng baril, 10 plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, at isang cigarette pipe. (Bella Gamotea)