TANAUAN CITY, Batangas - Nangangamba para sa kanyang buhay si Tanauan City Mayor Tony Halili matapos siyang mapabilang sa drugs watchlist ng Batangas Police Provincial Office (BPPO).

Ayon kay Halili, natatakot siya dahil posibleng nagagamit ng mga kalaban niya sa pulitika ang BPPO kaya napasama siya sa listahan ng sangkot sa droga sa lalawigan.

Ito ay matapos na puntahan ng mga pulis si Halili sa kanyang opisina upang papirmahin sa isang affidavit form para amining involved siya sa bentahan ng ilegal na droga.

May pangamba si Halili na gumawa ng hakbang ang mga awtoridad upang i-raid ang kanyang bahay at posibleng doon siya patayin.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

“’Pag ako’y napatay ng pulis, huwag kayong maniniwala na nanlaban ako,” ani Halili.

Inihalimbawa ng alkalde ang pagkamatay ni Nilo Bantugon, leader ng private armed group, na umano’y nanlaban sa mga pulis kaya napatay nang salakayin ang bahay nito sa Bauan, kamakailan.

Wala namang ibinigay na komento si BPPO Director Leopoldo Cabanag, Jr. sa pahayag ni Halili.

Sinabi pa ng alkalde na ang “intelligence report” ng mga pulis laban sa kanya ay bunsod ng istrikto niyang programa sa pagsugpo sa ilegal na droga sa lungsod, at paglulunsad niya ng Mayor’s Anti Crime (MAC) Group na tumutulong sa pag-aresto sa mga nagtutulak ng droga.

Itinanggi niyang isang private armed group ang MAC, at iginiit na hindi niya ito ginagamit para sa personal niyang interes.

Nitong Lunes ay ibinigay na ni Halili sa Tanauan City Police ang kontrol sa MAC Group, na binubuo ng 53 kawani ng city hall at pinamumunuan ni Allan Fajardo.

Si Fajardo, ayon sa intelligence report ng BPPO, ay leader umano ng Fajardo Group na may operasyon ng gun-for-hire at illegal drugs, na una nang itinanggi ni Fajardo.

‘WALK OF SHAME’

Nakilala si Mayor Halili sa isinasagawa niyang “Walk of Shame” o ang pagparada sa lungsod sa umano’y mga magnanakaw at drug pusher na nahuli ng MAC Group.

Sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang imbestigasyon nito laban sa shame campaign ng alkalde.

At ngayong kontrolado na ng pulisya ang MAC Group, hindi na itutuloy ni Halili ang Walk of Shame. (LYKA MANALO)