CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Sinampahan na ng mga kaso ang aktor na si Mark Anthony Fernandez na dinakip matapos makumpiskahan ng nasa isang kilo ng marijuana sa kanyang sasakyan, ngunit sinuspinde kahapon ang arraignment sa kanya, ayon sa Police Regional Office (PRO)-3.

Sinabi ni PRO-3 Director Chief Supt. Aaron quino na sinuspinde muna ang itinakdang arraignment kay Fernandez kahapon makaraang maghain ang kampo ng aktor ng mosyon para muling imbestigahan ang mga kaso laban sa kanya.

Nagsampa ang PRO-3 ng paglabag sa Sections 5, 11 at 12 ng Comprehensive Dangerous Drug Act (RA 9165) laban kay Fernandez sa Angeles City Regional Trial Court (RTC) Branch 60, habang isa pang kaso ng civil disobedience ang inihian naman sa Angeles City Municipal Trial Court Branch 1 dahil sa pagtatangka niyang takasan ang checkpoint.

Iginiit din ng kampo ni Fernandez na mula sa himpilan ng Angeles City Police Station 6 ay ilipat ang aktor sa Pampanga Provincial Jail, dahil masyado umanong matao sa kasalukuyan nitong kinapipiitan.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Matatandaang naaresto nitong Lunes ng gabi si Fernandez sa MacArthur Highway sa Barangay Virgen de los Remedios sa Angeles City.

Sinabi ni Aquino na habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa pagbibiyahe ng ilegal na droga, at kung mapapatunayang nagkasala ay sa bilangguan na umano mabubulok si Fernandez. (Franco G. Regala)