ZAMBOANGA CITY – Isang 1,000-toneladang cargo at passenger vessel na may rutang Zamboanga-Sandakan ang lumubog nitong Huwebes ng gabi, limang oras matapos itong dumaong sa Zamboanga City International Port sa lungsod na ito mula sa Sandakan sa Sabah, Malaysia.
Sinabi kahapon ni Zamboanga City Port Harbor Master Arthur Nogas na dakong 4:30 ng hapon nang dumating ang M/V Danica Joy 2, ng Aleson Shipping Lines, Inc., sa siyudad na ito mula sa Sandakan, Sabah Malaysia at lumubog dakong 9:30 ng gabi habang nakadaong sa Zamboanga International Port.
Ayon kay Nogas, inihatid ng barko—na kayang magsakay ng 900 pasahero at minamaniobra ni Captain Diojenes Saavedra—sa lungsod ang 817 pasahero. Walang nasaktan sa insidente.
Kabilang sa mga sakay nito ang 603 Pinoy deportee, 43 ang may expired nang pasaporte, 159 na regular na pasahero, 11 Malaysian, at isang Australian, ayon kay Nogas.
Ang barko ay may bigat na 998.52, at malaking bahagi ng cargo nito ay cooking oil, noodles at iba pang pagkain na tumitimbang ng 33.90 tonelada.
Kuwento ng isa sa mga regular na pasahero na ayaw magpabanggit ng pangalan, nagkaroon ng butas sa kanang bahagi ng barko hanggang unti-unti itong lumubog habang nakadaong.
Ayon sa pasahero, sinikap ng mga tripulante na mapigilan ang pagpasok ng tubig sa barko sa pamamagitan ng paghahakot ng tubig gamit ang timba, ngunit dahil manu-mano ay tuluyang napasok ng tubig ang barko.
“It happened many times and even while we were still at the port in Sandakan, it happened. The vessel officials reason out that the vessel encountered a mechanical problem which caused them to delay their departure to this city,” kuwento pa ng pasahero.
Kaugnay nito, umapela siya sa mga awtoridad na tiyakin muna ang sea worthiness ng mga barko ng Aleson Shipping Lines at ng iba pang naglalayag sa Sulu, Basilan at Tawi-Tawi, na ayon sa kanya ay may mga palpak din na pasilidad at gamit, at hindi rin umano malinis. (Nonoy E. Lacson)