BLESSING sa mga kasamahan sa entertainment media ang TV/radio host na si Papa Ahwel Paz dahil sa tuwing sasapit ang kaarawan niya, Agosto 27, ay may pa-medical mission siya na apat na taon na niyang ginagawa bilang adbokasiya para sa mga katoto niya.
Ang kuwento ni Papa Ahwel, mahirap maging mahirap lalo na kapag nagkasakit dahil hindi kayang magpagamot.
Kaya ang ending, nagse-self medication na lang kaya lumalala ang sakit at nagkakaroon ng kumplikasyon.
Ibinahagi rin ni Papa Ahwel ang mga pinagdaanan niyang hirap noong bata pa siya hanggang sa narating niya ang kinalalagyan niya ngayon bunga ng pagsisikap.
Pero ibinabahagi niya ang blessings na natatanggap niya sa mga kasamahan niya sa showbiz sa pamamagitan ng medical mission.
Ito ang hinihintay naming lahat taun-taon dahil bukod sa libreng general check-up tulad ng blood chem, CBC, urine test, X-ray, ECG, dental (libreng bunot at palinis), eye check (libreng salamin) at derma ay may libre pang almusal at tanghalian, kaya saan ka pa?
Kaya laking pasalamat ng lahat dahil nalalaman namin kung anu-ano ang mga sakit, tulad ko na mataas ang cholesterol at hindi na kayang mapababa sa pamamagitan ng exercises at diet kaya binigyan na ako ng maintenance.
Good thing, normal ang sugar ko at nakisama naman ang blood pressure ko nu’ng umagang iyon na 100/80 na dati’y 140/110 or 130/110. At dahil bumabagets na tayo, nirestahan ako ng Vitamin B na para rin sa spine na kadalasang nakukuhang sakit ng reporters sa maghapong katitipa.
Ang labis naming pasasalamatan sa executive office, administration and medical staff ng De Los Santos Medical Center, Raul C. Pagdanganan, president and CEO at Dr. Nilo de los Santos, vice president for medical affairs para sa success ng 4th I Love My Family Medical Mission for the Members of the Media ni Papa Ahwel Paz.
Muling naging super successful ang napakamakabuluhang misyon sa buhay na ito ni Papa Ahwel dahil napakarami naming napagkalooban ng free medical assistance. Higit sa lahat, may bonus pang reunion ng mga katoto na bihira na naming makita dahil inactive na sa pagsusulat. (Reggee Bonoan)