VERY thankful si Arci Muñoz sa sunud-sunod na suwerteng dumarating sa showbiz career niya. 

Banggit ng aktres sa presscon ng Magpahanggang Wakas, naniniwala siya na lahat ng mga nangyayari sa kanya ngayon ay palaging nakabantay sa kanya ang pumanaw na ama.

“My Dad just passed away last February, when I was doing Always Be My Maybe, then after that ang ganda ng naging takbo ng lahat. I’m just really thankful for everything. And I really believe what’s happening to me right now, parang si Papa, eh, gina-guide ako,” teary-eyed na sabi ni Arci.

Dagdag pa ng sexy actress, bagamat natagalan din naman ang kanyang paghihintay sa big break ay wala siyang dapat pagsisihan bagkus ay ipinagpasalamat niya sa Diyos na dumating din ito sa wakas.

Musika at Kanta

Parokya ni Edgar, stranded sa Sorsogon; hiniritan ng fans ng bagong kanta

“Alam ko, si Lord, prinepare niya lang ako, sa tagal ng hinintay ko, ano ko lang ‘yun, journey ko lang para mas maging mabuti ako sa craft ko,” sey ng bagong katambal ngayon ni Jericho Rosales.

Siyempre, labis-labis din ang pasasalamat ni Arci sa Kapamilya Network, particularly sa production unit ni Direk Ruel Bayani.

“Thank you sa napakagandang opportunities. I started with them when I transfered dito sa ABS-CBN. I have no words para kay Direk Ruel Bayani, ang aming business unit head. Kasi I started with him also when I transferred dito sa ABS-CBN,” kuwento pa ni Arci.

Tungkol naman sa first time na pagsasama nila ni Jericho sa Magpahanggang Wakas, binanggit agad ni Arci na napaka-humble ng Jericho Rosales na nakilala niya.

Kaya pinagbubutihan daw niya ang trabaho niya.

“Sa totoo lang, he makes me work harder na paghusayan ko pa ang acting ko and everything. Siya yata ang pinaka-humble na artistang nakatrabaho ko. Sobrang humble, sobrang galing. Pagdating niya sa set, babatiin niya lahat, very professional,” hangang-hangang kuwento ni Arci.

Tinitiyak niya na magugustuhan ng lahat ang serye nilang ito. Sobrang drama at makakaramdam din daw ang lahat ang sobrang init sa mga eksena nilang dalawa. Eksplika pa ni Arci, wala namang dapat problemahin ang detractors niya dahil kailangan din daw naman ‘yun sa mga eksena.

“Siyempre, sa lahat naman ng roles na ginagawa ko, basta hiningi ng character. Hindi naman ‘yung sobrang... hindi naman bastos, eh,” sey ni Arci.

Hindi prinoproblema ni Arci kung nalilinya man siya sa sexy roles. Pero sana naman daw ay huwag siyang ma-label bilang sexy star.

“I don’t wanna be labeled, but hinihingi ng role at ng istorya, alam ko naman na inaalagan nila ako, why not? I know din naman my limitation, so, ayun,” pahayag pa ng aktres.

Next Monday na ang pilot airing ngMagpaghanggang Wakas. (JIMI ESCALA)