WALANG duda na si JC Santos ang pinag-uusapang actor ngayon sa showbiz. Dahil sa kakaibang papel niya bilang si Ali sa Till I Met You ay marami ang nagtatanong at interesado sa bagong Kapamilya actor.

Siyempre, tuwang-tuwa si JC sa positibo at magagandang feedback sa serye nila ng sikat na tambalang Nadine Lustre at James Reid. Pati na ang mga kabilang sa LGBT community ay super puri kay JC at marami ang napaniwala niya na bading siya!

“Siyempre, ibig sabihin lang noon at para sa akin, eh, parang nabigyan ko ng hustisya ang role ko. Maraming salamat dahil napapaniwala ko sila. For me, it’s a compliment,” sey ni JC.

Credible at epektibo ang pagganap ni JC sa TIMY dahil sa pagiging theater actor niya. Ganoon ka-convincing ang ipinapakita niyang performance dahil sa background o mga natutuhan niya sa teatro.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Pati ang mga kasamahan niya sa serye at ang mga staff ay napahanga ni JC. Banggit pa nga ng isang taga-ABS-CBN na nakausap namin ay nagampanan nang maayos ni JC ang papel niya bilang si Ali, ang closet queen.

Sa kabilang banda, hindi naniniwala si JC na may epekto iyon sa pagiging lalaki niya. Pero hindi pa raw niya naiisip ang posibleng mangyari sa career niya pagkatapos ng Till I Met You.

Pero puwede pa rin naman daw siyang tumanggap ng roles sa TV uli at puwede rin namang balikan niya ang teatro o baka tumanggap pa rin siya ng indie movies.

“Basta ang importante, eh, may regular na trabaho. Hindi tayo p’wedeng mamili,” sey ng actor.

Ipinagmamalaki ni JC na kung dati ay wala pang apat na libo ang followers niya sa Instagram account, ngayon ay bigla itong umakyat sa mahigit 60 thousands. ‘Yun daw ay dahil sa Till I Met You. Ganoon kabilis binago ng serye ang showbiz career ni JC.

“Ang daming nagpapa-picture sa akin ‘pag nagkataong nasa mall ako. Pero okey lang, at nagawa ko pa rin naman ‘yung magmo-malling,” banggit pa niya.

Samantala, masayang-masaya si JC Santos na kahit ganoon ang role niya sa TIMY ay napakabait pa rin sa kanya ng JaDine supporters at masaya raw katrabaho sina James at Nadine.