Mga Laro Ngayon

(Philsports Arena)

4 n.h. -- FEU vs Ateneo

6 n.g. --NU vs UP

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Simula na nang pag-agawan ng koponang Far Eastern University, Ateneo de Manila, National University at University of the Philippines sa dalawang finals berth sa pagsabak nila ngayon sa Final Four round ng Shakey’s V League Season 13 Collegiate Conference, sa Philsports Arena sa Pasig.

Nabawian ng Ateneo ang San Sebastian College, 25-22, 25-23, 25-17, nitong Sabado upang makamit ang pang- apat at huling semifinal berth at maisaaayos ang all- UAAP Final Four sa torneo.

Hataw si Ana Gopico sa naiskor na 15 puntos, tampok ang 11 attack at apat na service aces, para makamit ang pagkakataon na makaharap ang top seeded na Far Eastern U sa best-of-three semis showdown simula ngayon ganap na 4:00 ng hapon.

“We were more confident out there and we didn’t get rattled much in crucial situations,” sambit ni Gopico.

Susundan ito ng hiwalay na semis match sa pagitan ng No. 2 National University kontra No. 3 University of the Philippines.

Inaasahang muling mangunguna para sa Lady Eagles sina team skipper Michelle Morente, Ana Gopico, Bea de leon, Kim Gequillana at setter Julia Morado.

Ngunit, tiyak na mapapalaban sila ng husto laban sa Lady Tams na pamumunuan naman ng mga beteranang sina Bernadeth Pons, skipper Remy Palma at Toni Basas.

Magkakasubukan naman ng tatag at husay sa diskarte ang Lady Bulldogs at ang Lady Maroons.

Sa pagkakataong ito, dehado ang una dahil hindi makakalaro ang ace hitter at middle blocker na si Jaja Santiago na naglalaro sa Foton Pilipinas sa ginaganap na ASEAN Womens Volleyball Club Championships sa Biñan, Laguna.

Inaasahan ni coach Edjet Mabbayad na makakasalba ang NU mula kina Jasmin Nabor, Jorelle Singh, Riza Sato at Aiko Urdas.

Makakatapat naman nila sa panig ng UP sina Kath Bersola, Isa Molde, Diana Carlos at Nicole Tiamzon. (Marivic Awitan)