Bilang host, marami ang umaasa na magpapamalas ng matikas na kampanya ang University of Santo Tomas para malagpasan ang kontrobersiyal na runner-up finish sa nakalipas na taon sa pagratsada ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Setyembre 4 sa Smart Araneta Coliseum.
Kaugnay nito, kumpiyansa si bagong University of Santo Tomas coach Rodil “Boy” Sablan na naihanda niya ang UST Growling Tigers para makasabay sa mga karibal ngayong season.
Sa pagkawala ng kanilang tatlong key players na sina Kevin Ferrer, Ed Daquioag at Cameroon import Karim Abdul dahil sa graduation, marami ang naniniwalang mahihirapan ang UST na maulit ang kanilang runner-up finish sa reigning champion Far Easten University noong isang taon.
Ngunit naniniwala si Sablan na lalaban ang Tigers gamit ang sistema na binuo ni dating coach Bong de la Cruz.
Bilang paghahanda, lumahok ang Growling Tigers sa Recoletos de Cebu Cup noong Hulyo at sa BLIA Cup sa Taiwan kamakailan kung saan kinakitaan niya nang malaking improvement ang laro ng Tigers.
“The exposure to go up against top-tier teams and the experience they gained, malaking bagay talaga para sa mga bata,” ani Zablan. “Aside from malalakas at mas malalaki ang nakalaban nila, natuto sila how to play and defend against organized systems.”
Inaasahang malaki ang gagampanang papel sa kampanya ngayong taon ng Tigers nina team captain Louie Vigil, Kent Lao, wingman Mario Bonleon, combo guard Renzo Subido, playmaker Jon Sheriff, ang nagbabalik na si Regie Boy Basibas at center Jeepy Faundo.
Inaasahan namang makakabalikat nila sina dating National University Bullpup Oliver de Guzman, Jason Strait, 6-foot-6 Ghanian reinforcement William Afoakwah at 6-foot-9 Fil-Japanese center Tsutomu Tateishi.
Makakaharap ng UST ang Ateneo sa opening day. (Marivic Awitan)